Ano’ng balita sa radyo at TV?
Ganun pa rin. Kumakapa sa dilim.
Minsan naisip ko na umalis na lang dito.
Limutin ang lahat. Lumipad. Lumayo.
~Bamboo (sa kantang Hallelujah)
Sa henerasyon kung kailan nauso ang mga kantang may temang pag-ibig, K-Pop, mga revival, at kung kailan naging mahalagang puhunan ng bawat mang-aawit ang itsura at alindog ng katawan (Britney Spears, Lady Gaga, atbp), nariyan pa rin ang mga sumapanganib lumikha ng mga awiting tagos sa damdaming nasyonalismo -- na kadalasang hindi na kinakagat ng kulturang popular. Isa sa kakarampot na mga manunugtog na ito ay ang bandang Bamboo, isa sa mga tumulong magpasiklab ng aking pagiging makabayan. Kahanay na rin nila, sa aking palagay, sina Ely Buendia, Noel Cabangon, Francis Magalona, atbp.
Ngunit kapansin-pansin ang pagbagsak ng bilang ng mga ganitong uri ng kanta. Dahil na rin siguro sa pag-usbong ng Western music, K-Pop, atbp., ay humina ang marketability ng mga manunugtog dito sa atin. Pinasok na rin ng ating mga recording companies (Viva, Star Records) ang industriya ng revivals, acoustic versions, at P-Pop (Pinoy-Pop, hango sa Korean-Pop) matangkilik lamang ng mga kapwa Pilipino ang sariling atin. Nagmistulang instrumento ang Pop Girls, XLR8, si Princess, at ang karamihan sa mga sikat na Pinoy artists natin ngayon upang mapalago ang bagong mukha ng OPM. Nabura na di-umano ang orihinalidad sa mainstream. Sumabay sa agos ng popularidad na dala ng ibang bansa.
Ito ang repleksyon ng kasalukuyang lipunang mayroon tayo. Dala ng mga rumaragasang problema at kahirapan, ang kadalasang nakikitang solusyon ng mga Pilipino, maliban sa dasal, ay ang mangibang-bansa. Ito’y ayon sa Pulse Asia survey1 noong 2008 na pinamagatang “Crunch Time and the Filipino Household.” Handa tayong magpaalipin sa ibang bansa makaramdam lamang na kakarampot na ginhawa.
* * *
Noong ako’y nasa ikaapat na taon sa hayskul, kabi-kabilang dilemma ang hinarap ng ilan sa aking mga kaklase patungkol sa kursong kukunin sa kolehiyo. Maswerte ako kasi hinayaan ako ng Nanay ko na pumili ng anumang nais kong kunin. Pero hindi sila. Ang gusto ng mga magulang nila ay Nursing o di kaya’ay Engineering. Palibhasa’y malakas daw ang demand sa ibang bansa.
Maging ako’y di nakaligtas sa mga ganitong uri ng habilin. Tinanong ako noon ng aking guro kung anong kurso ang nais kong kunin. Journalism ang sinagot ko. Di ko pa rin makalimutan ang biglaang paglaki ng kaniyang mga mata sabay sabi, “Journalism? Walang pera sa pagsusulat! Mapaphamak ka pa. Mahirap pa mag-abroad sa ganiyang trabaho.” Tumango na lamang ako.
* * *
Eksodo Ng Mga Propesyonal At Manggagawa
Brain drain, n.2
- The migration of educated or talented people from less economically advanced areas to more economically advanced areas, especially to large cities or richer countries
Mahigit tatlong siglo rin tayong sinakop ng mga Kastila. Sinundan pa ito ng limang dekada sa ilalim ng mga Amerikano. Dahil nawalan tayo ng kapangyarihan sa sariling lupa, nawalan din tayo ng kapangyarihang mapalago at mapaunlad ang sariling bansa. Sinamahan pa ito ng daan-daang taong pakikipagsapalaran upang makamit ang kalayaan, ang pandaigdigang economic depression noong 1930, at ang destruksyon na dala ng ikalawang digmaang pandaigdig.
Sa ilalim ng mga Amerikano lumawak ang pampublikong edukasyon sa Pilipinas na nagdulot ng pagdami ng mga unibersidad at kolehiyo. Noong 1956, pumangalawa ang Pilipinas sa may pinakamataas na literacy rate sa buong mundo4. Katunayan, ang bilang ng mga nagtatapos sa kolehiyo ay mas mataas pa sa kayang suportahan noon ng ekonomiya ng bansa. Magpasahanggang-ngayo’y ito rin ang problema ng bansa.
Sa tulong ng 1965 US Immigration Act at ng pagtaas ng demand ng mga propesyunal sa Middle East , nabigyan ng pagkakataon ang mga Pilipinong magamit ang kanilang pinag-aralan upang kumita3. Dekada 70 nang tanghalin ang Pilipinas bilang pangunahing suplayer ng mga doktor at siruhano sa US . Mahigit isang libo o 53.1% ng mga imigranteng doktor sa US noon ay nangaling sa Pilipinas.5 Sa sumunod na dekada patuloy na dumagsa ang mga manggagawang Pilipino sa Middle East. Sa dahilang ito, itinayo ang Philippine Overseas Employment Agency (POEA) noong 1982 upang maitaguyod ang overseas employment program at upang mabigyang pagpapahalaga rin ang karapatan ng mga manggagawa at ng mga propesyonal.
Ngayon, kabi-kabila na ang mga trabahong maaaring pasukan ng mga Pilipino. Maliban sa pagdodoktor, pwede na rin mag-abroad bilang guro, caregiver, entertainer, construction worker, madaragat, IT professional, inhinyero, domestic helper, at marami pang iba. Global na kung tutuusin tayong mga Pilipino. Mapa-US , Canada , Middle East, Asia, Australia , Oceania, o Africa ay nandoon tayo. Basta’t may oportunidad ay kinakagat natin.
Mahigit-kumulang 4,500 Pilipino ang umaalis ng bansa kada araw6. Hindi bababa sa labin-isang milyon (o 10% ng ating kabuuang populasyon) ang bilang ng mga Pinoy na nasa labas ng bansa7. Kaya nga kung Pilipino ka, imposibleng wala kang ni isang kamag-anak na nagtratrabo o tumitira sa abroad. Yan na rin ang bagong tatak ng modernong pamilyang Pilipino: may katas ng banyagang pera.
Mas mataas na kita
Nagsulputan ang mga call center dito sa Pilipinas. Ayon sa tala ng Call Center Directory of the Philippine Economic Zone Authority (PEZA), 788 na ang mga nakatayong call center sa bansa sa mahigit 20 mga siyudad. Sa kasalukuyan, pumapangatlo ang Pilipinas sa industriyang ito (kasunod lamang ng India at Tsina) sa Asya at pumapang-anim naman sa buong mundo8. Ang dahilan: mababa ang pasahod sa Pinas.
Ang karaniwang sweldo na tinatanggap ng isang call center agent ay 12,000 hanggang 18,000. May mga sari-saring benepisyo pa. Mababa pa iyan para sa mga kapitalista. Gustong-gusto nila ang mga marunong magsalita ng Ingles pero mababa ang pasahod9. Less expenses, more income ika-nga. Third-world countries ang kadalasang tina-target ng mga ganitong uri ng negosyo. Kaya hindi nakapagtatakang umuusbong din ang industriyang ito sa India .
Kung tutuusin, mataas na ang sweldong ito para sa isang Pilipino lalo na’t hindi kinakailangang nagtapos ka sa kolehiyo. Kung ikukumpara sa isang nagtapos ng Nursing, di hamak na mas may kikitain ang isang Pinoy sa pagsusunog ng kilay bilang call center agent. Php6000-13000 lamang ang buwanang sahod sa mga nurses dito sa atin. Ang reklamo tuloy ng ilang kasapi ng Philippine Nursing Association noong 2007: bakit daw mas mataas ang sahod ng mga call center agent kaysa sa kanilang nagbuhos ng pera at ilang taon upang maging registered nurse.10
Likas din ang pagiging family-oriented sa ating mga Pilipino. Breadwinner ang sinumang makakuha ng desenteng trabaho sa pamilya. Pero minsan, mababa na nga ang sahod, marami pang kaltas. Maliban sa kaltas ng tax, nariyan din ang kaltas para sa kamag-anak na may sakit, kaltas para sa kapatid na nag-aaral, kaltas para sa magulang na hiniwalayan ng asawa, kaltas para sa kamag-anak na nawalan ng trabaho, at marami pang kung anu-anong kaltas. No choice, eh. Marami talagang umaasa sa sinumang may stable income sa pamilya. Paano pa kaya kung may sariling pamilya ring sinusustentuhan?
Pero kung nasa US ka, USD6,700 ang kikitain o mahigit-kumulang tatlong daang libong piso buwan-buwan bilang nurse.11 Halos 40 beses na mas mataas sa kinikita sa Pilipinas. Buong-buo ang maibibigay na suporta sa sinumang nangangailangang kapamilya. May sobra pa.
Sweldo rin ang isa sa mga naging dahilan ng 25 na mga piloto ng Philippine Airlines noong Hulyo 2010 upang magbitiw at pumunta ng Middle East. Triple sa sahod na natatanggap nila sa Pinas ang kasalukuyan nilang tinatamasa. Ito rin ang naging problema ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) nang ihayag nila noong Agosto ang pangingibang-bansa ng 89 na geologist sa nakalipas na tatlong taon. Maging ang Philippine Atmospheric, Geophysical, Astronomical Services Administration (PAG-ASA) ay nabibiktima rin ng lumalalang brain drain. Dalawamput-apat na miyembro ng kanilang workforce ay nagsipag-abroad na rin. Naging pahirap sa ahensiya ang paghahanap ng kapalit sa umalis nilang spokesperson na si Nathaniel Cruz o mas kilala bilang Mang Tani.14
Mas maraming job opportunities
Ayon sa ulat na inilabas ng Department of Labor and Employment (DOLE) noong 2009, dalawang daang libong nurse ang naipro-produce sa bansa taun-taon. Samantalang ang naghihintay na trabaho para sa kanila ay 2,500 lamang.12 Mismong DOLE ang umaming wala silang magagawa sa pangingibang bansa ng mga nurse. Ang maipapayo na lamang nila sa mga may balak kumuha ng Nursing ay ang maghanap ng ibang kurso.
Sa kaso naman ng mga doktor, walang overproduction pero may problema sa distribusyon. Kapansin-pansing karamihan sa mga doktor ay matatagpuan lamang sa mga metro. Hanggang ngayo’y problema pa rin sa mga probinsya ang kakulangan sa mga serbisyong pangmedikal. Mahal na nga, malayo pa. “Una sa lahat, kaunti lamang ang mga posisyong maaaring pasukan sa probinsya,” wika ni Dr. Marilyn Lorenzo na isang propesor sa UP College of Public Health . 13 “Gustuhin man nilang pumunta ay wala ring mangyayari dahil wala ring naghihintay sa kanila,” dagdag niya. At dahil sentralisado na ang mga medical services sa bansa, nagkakaroon din ng kompetisyon. Pangingibang bansa tuloy ang nagiging resulta.
Kompetisyon. Ito ang siyang bumubuhay sa industriya ng brain drain. Hangga’t may kompetisyon sa pera, hangga’t may kompetisyon sa paghahanap ng trabaho, hangga’t buhay ang kompetisyon sa pagitan ng kaginhawaan at kahirapan, buhay ang brain drain.
* * *
“Bakit kailangan mong mag-abroad ‘te?” tinanong ko kay Ate sa gitna ng katahimikan ng aming pag-aalmusal.
Nakahanda na ang kaniyang passort noon. Aprubado na rin ang kanyang migrant visa at nakabili na siya ng tiket para sa kaniyang flight. “Diba sabi mo pangit ang mga serbisyong medikal dito sa Pinas? Eh di mas kailangan ka ng bansang ‘to kaysa ng Australia . Maayos naman ang healthcare nila dun eh,” dagdag ko. Ang totoo, ayaw ko lang siyang umalis. Ilang taon din niya akong pinaghandaan ng masasarap na ulam, pinaglabhan, pinagplantsahan, pinagpayuhan, pinakinggan. Nag-e-emo lang ako.
Pareho na lang kaming natawa sa kakornihang nasambit ko. Mabuti na lamang at sinakyan niya ako. “Loy (palayaw ko), wala nang pag-asa dito satin. Huwag mong sabihin hindi mo kami susundin ng asawa ko sa Australia . Pakiusap doon ka na magtrabaho pagkatapos mong grumadweyt sa UP. Pag nandoon ka na, mapepetisyon na natin si Nanay. Hindi pa nakakapag-abroad yun. Kawawa naman siya kung puro siya trabaho. Mas maganda Loy kung sama-sama tayo. Huwag na tayo magpaka-slave pa sa sistema dito sa Pinas. Para din ‘to sa magiging pamilya mo,” sagot niya.
“Ayoko. Mas gusto ko pa rin dito. Diba after 5 years pwede mo nang ipetisyon si Nanay? Kayo na lang. Ayokong sumama,” nagtunog makasarili ako.
“Hay naku Loy! Magtatampo talaga ako sa’yo. Kung gusto mong makatulong sa country natin, edi sa Australia ka muna.Magpakadalubhasa ka doon. Siguro pagkatapos ng ilang taon pwede ka nang bumalik dito. Reverse brain drain, diba?”
* * *
Nasyonalismo
“If you are going to help this country, you’ve got to be in the country.”
~Prof. Solita Monsod (sa huling klase niya sa Econ 100.1)
Ayon sa 1973 Constitution Proclamation 1102 (sa ilalim ng panunungkulan ni Marcos), tatlo ang mithiin ng edukasyon sa bansa.15 Una, to foster love of country. Pangalawa, to teach the duties of citizenship. At pangatlo, to develop moral character, self discipline, and scientific, technological and vocational efficiency.
Kabayanihan
Hinding-hindi makakalimutan ang kabayanihan nina Lapu-Lapu, Jose Rizal, Andres Bonifacio, at ang daan-daang Pilipino, mapalalaki o babae, na nagbuwis ng buhay makamtan lamang ang kalayaan mula sa mga dayuhang mananakop. Kalayaang napagtagumpayan din. Kahanga-hanga ang di-mapigilang pag-usbong noon ng damdaming nasyonalismo.
Itinuturing ngayong mga bagong bayani ang mga OFW dahil malakas ang tulong na naibibigay nila sa pagpapaunlad ng ekonomiya. Mahigit sampung porsyento ng kabuuang ekonomiya ng bansa ay mula sa mga OFW remittances o mga padalang pera galing sa abroad.16
Gayunpaman, hindi raw madali maging OFW. Marami nang kaso kung saan ang asawa’y kailangang lumisan para makapagtrabaho bilang domestic helper sa Singapore o kaya’y manggagawa sa Middle East . Pamilya ang naiiwan – mga anak, ang asawa, at pagmamahal.
At hindi lahat happy-ending ang kinahihinatnan. Dahil sa pagkawalay ng asawa, kadalasa’y nauuwi ang lahat sa pakikiapid. Minsan nama’y nagiging rebelde ang anak. At kung buong akala’y masagana ang buhay sa labas ng bansa, minsan nandoon pa ang sakripisyo: ang mga mapang-abusong employer, mababang pasahod, illegal recruitment, remittance taxes, contract substitution, atbp.
Bahala nang maisakripisyo ang lahat, makaramdam lamang kaunting kaginhawaan ang pamilyang sinusuportahan. Likas na mapagmahal ang Pilipino sa kanyang pamilya.
* * *
Mag-aabroad nga ba talaga ako? Para ba akong traydor kung iiwan ko ang bansang ito?
Hindi ko rin talaga alam kung papaano sagutin ang tanong kong ito. Hindi naman ako pinipilit ng bansa ko na tumira dito. Pero patuloy pa rin akong binabagabag ng konsyensya at pagmamahal sa bayan.
Totoo kaya ang sinabi ni Ate na wala nang pag-asa pa ang bayang ito? Ang pangingibang-bansa ba ay bahagi na ng kulturang Pinoy? Luho nga lang ba ang pagpunta sa abroad o ito’y isang pangangailangan na?
Gradeschool pa lamang ako ay pumasok na sa aking kaisipan na ang pagtratrabaho sa ibang bansa ay parang pagpapaalipin din sa mga dayuhan. Pero marami pa rin sa atin ang nais magpaalipin sa ibang bansa para sa kaginhawaaang hindi kayang ibigay ng bansang ito. Kung gayo’y hindi nagtagumpay ang ating mga bayani. Walang independence. Dahil ang totoo, dependent pa rin tayo. Magpasahanggang-ngayo’y umaasa pa rin tayo sa financial aid galing US at mula sa mga karatig bansa. At para bang ang masaganang buhay ay posible lamang kung tayo’y mangingibang bansa.
Kung gayo’y kailangan pa ba natin ng isa pang Jose Rizal o Andres Bonifacio para makamtan ang tunay na independence?
Iniisip ko: paano kung yung 11,000,000 na mga Pilipino na nasa labas ng bansa ay bumalik dito sa Pilipinas? Ano kaya ang gagawin nila dito?
Baliktarin natin ang sitwasyon. Ang nurse halimbawa na gumastos ng ilang daang libong piso makapagtapos lamang sa kolehiyo at nagsikap pumasa sa boards ay piniling magtrabaho sa bansang ito. Pinangibabawan siya ng kanyang pagmamahal sa sariling bayan. Hindi siya ‘nagtraydor.’ Pero ang sweldong kanyang tatanggapin ay hindi pa sapat para suportahan ang edukasyon ng sarili niyang anak. Hindi kaya siya ang pinagtraydoran?
Hindi kaya ako pagtraydoran?
* * *
“You can’t force people to stay. All you can do is provide the environment for them to stay.”
~Diosdado Banatao, pilantropo at negosyante sa Silicon Valley
BATIS
1 Filipinos migrate during hard times. Inilathala October 16, 2008. Inquirer.net
2 Brain Drain. Wiktionary. Pinuntahan noong Oktubre 10, 2010
3 Alburo, Florian A at Abella, Danilo I. Skilled Labour Migration from Developing Countries: Study on the Philippines . Nailathala sa International Labour Office, Geneva .
4 Pido, Antonio J.A. The New Immigrant Wave: Brain Drain Philippinos. SOCIETY - Volume 14, Number 6, 50-53, DOI: 10.1007/BF02712518
5 Pernia, Ernesto M. The Question of the Brain Drain from the Philippines . International Migration Review © 1976 The Center for Migration Studies of New York, Inc..
6 Santos , Kara. Death Penalty Dashes Migrant Workers’ Hopes. http://ipsnews.net/news.asp?idnews=51383. Pinuntahan noong Oktubre 11, 2010
7 Overseas Filipino Workers as the Philippines ’ New Heroes. http://www.philippine-travel-guide.com/overseas-filipino-workers.html. Napuntahan noong Oktubre 11, 2010.
Ang sakit isipin na ganito ang bansa natin. Mahal ko ang Pilipinas pero hindi nya naman kasi ako mahal. Kakayod ako nang todo pero ano ang binabalik sa akin: kakarampot na sweldo -- kulang para sa maayos na tahanan, masustansyang pagkain, dekalidad na edukasyon, maayos na health services, atbp. Paano kasi ang daming kurakot sa gobyerno natin. Naniniwala ako na improper distribution of wealth ang problema. Nawawala na pati delicadeza. Obvious na ngang kurakot, tatanggi pa. Tapos tayo namang mga malilit, kasi nga maliit, di na lang kakahol. Baka mawala pa ang kokonting natatamasang ginhawa. May problema din sa paguugali natin.
ReplyDeleteIt is long but worthwhile reading;it makes you ask the distinction between nationalism and patriotism. It challenges each Filipino to re-think their direction in life and re-engineer into shaping a new Philippines. God bless the Filipino people
ReplyDelete